PRIVILEGED SPEECH HINGGIL SA INDEPENDENT FOREIGN POLICY

PRIVILEGED SPEECH HINGGIL SA INDEPENDENT
FOREIGN POLICY
Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate
September 19, 2016

Ginoong Speaker:
Dalawampu’t limang taon na ang nakakaraan, nang magdesisyon ang senado noong
Setyembre 16, 1991, laban sa pagpapalawig sa pananatili ng base militar ng Estados Unidos
sa Subic at Clark. Sa botong 12-11, tinuldukan ng tinaguriang “Magnificent 12” senators ang
higit 40 taong pananatili ng US military bases sa bansa.
Tagumpay ng mamamayang Pilipino ang pagpapatalsik sa base militar ng Estados Unidos. Sa
tuluy-tuloy na pagkilos ng mamamayan naitulak ang Magnificent 12 senators para
manindigan para sa pambansang soberenya. Sa harap ng matinding presyur ng US at mga
suporter nito sa gubyerno, sa pangunguna ng mismong Pangulong Corazon Aquino, nanaig
pa rin ang panawagan ng mamamayan.
Pero nakalaya na nga ba ang Pilipinas sa kuko ng agila? Malaya na nga ba ang mamamayan
sa neokolonyalismo? Nasaan ang pambansang kasarinlan at soberenya?
Ginoong Speaker, nananatili ang dominasyon ng US sa bansa.
Napaalis ng mamamayan ang US military bases, pero nagmistulang base militar ng US ang
buong bansa sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement o VFA, at Enhanced Defense
Cooperation Agreement o EDCA. Sa agreed locations at sanlibo’t isang pribelihiyo para sa
mga US military forces, nawala ang jurisdiction ng bansa sa mismong kalupaan nito.
Umiiral ang mga neoliberal na polisiyang tagibang na pumapabor sa US at nagdudulot ng
kapinsalaan sa pambansang ekonomiya at mamamayan. Sa ilalim ng neoliberal na
globalisayon, tayo ay nananatiling taga-export ng murang raw products, at taga-import ng
mga yaring produkto mula sa US at ibang bansa. Sa tulak ng US na nangingibabaw sa mga
trade at economic cooperations kagaya ng APEC, WTO, inoobliga ang ating bansa na
tanggalin ang proteksyon sa sariling mga produkto at ekonomiya, papasukin ang produkto at
kapital ng US, ibukas ang ating likas na yaman at lakas paggawa sa mga dambuhalang
kumpanyang multinasyunal at transnational. Bunga nito lalong humina ang lokal na
produksyon at industriya, at nanatiling bansot at atrasado ang ekonomiya.

Sa mahabang panahon, sa ilalim ng iba’t ibang rehimen, lalong naghihirap ang mamamayan
sa pagpapatuloy ng mga patakarang nagpapatindi sa dominasyon ng US sa ekonomiya,
pulitika at sosyo-kultural na aspeto ng bansa.
Kaya, Ginoong Speaker, kakaiba ang mga pananalita at panukala ni Pangulong Rodrigo
“Digong” Duterte.
Ang mga pahayag ni Pangulong Duterte sa pagpapaalis ng US military troops sa Mindanao,
paglalantad sa pagmassacre ng US troops sa mga Moro sa Bud Dahu at mga Samarenos sa
Balangiga, pagtanggi sa Joint Patrol sa West Philippine Sea, pagpapahayag ng kanyang
“independent foreign policy”, at pagiging bukas sa usapang pangkapayaan ay lubhang
kakaiba sa mga naging kalakaran ng mga nagdaang rehimen.
Nagbibigay ito ng pag-asa sa mga makabayan at patriyotikong mamamamayan. Kung
magtutuluy-tuloy at maisasakatuparan ang mga pahayag at panukala ni Pangulong Duterte
para sa isang “independent foreign policy”, magkakaroon ng malaking kapakinabangan ang
ating mamamayan.
Ginoong Speaker, bakit nga ba mahalaga ang isang “independent foreign policy?” Ano ang
buting idudulot nito sa ating bansa at mamamayan?
Isinasaad ng Seksyon 7 Artikulo II ng Saligang Batas ng Pilipinas ang responsibilidad ng
gobyerno na isulong ang isang “independent foreign policy”. Inilalatag ng Konstitusyon na sa
pakikipagrelasyon sa ibang estado, pangunahing kunsiderasyon ang pambansang soberenya,
teritoryal na integridad, pambansang interes at karapatan sa sariling pagpapasya.
Sa pagtataguyod ng tunay na “independent foreign policy”, itatakwil ang lahat ng porma ng
pakikialam ng dayuhan o foreign intervention at interference sa ating mga panloob na usapin.
Nangangahulugan ito ng pagreview, pagrenegotiate o pagsasawalambisa sa mga kasunduan at
patakarang labag sa konstitusyon at may mga di patas na mga probisyon. Kabilang dito ang
VFA, EDCA, at Mutual Defense Treaty. Nararapat ding amyendahan o irepeal ang mga
patakaran at programang disbentahe para sa ating bansa, kagaya ng mga patakarang
nagtataguyod ng neoliberal policies of liberalization, deregulation and privatization.
Katulad ng sinabi ni Pangulong Duterte, ang “independent foreign policy” ay hindi
nangangahulugan ng pakikipag-away o pakikigiyera sa ibang bansa. Sa pagtitiyak ng ating
pambansang soberenya at teritoryal na integridad, igagalang ang soberenya at integridad ng
ibang bansa, ipopromote ang kapwa kapakinabangan at mapayapang relasyon sa lahat ng bansa.
Dapat lamang ipagbawal ang pagbabase o pag-istasyon ng US at iba pang dayuhang tropang
militar at armas sa bansa. Ipatupad ang konstitusyonal na prohibisyon sa foreign military
bases at weapons of mass destruction.
Itulak natin ang ating exclusive economic zone at continental shelf batay sa UN Convention
on the Laws of the Sea. Gagamitin lahat ng mapayapang paraan para panindigan at tiyakin
ang ating rightful claim sa West Philippine Sea.
Sa pagtataguyod ng kasarinlan, kooperasyon at pakikipagkaisa, maitutulak natin ang
kapayapaan at pag-unlad, maiiwasan ang krisis pang ekonomiya at pampinansya na global
proportion at maiiwasan ang giyerang agresyon.
Sa pagputol sa dominasyon ng dayuhan, mas malayang maipapatupad ang proteksyon sa
lokal na industriya, pagpapatupad ng pambansang industriyalisasyon na nakabatay sa tunay
na repormang agraryo. Ito ang magiging daan sa pag-unlad.
Ang “independent foreign policy” ay hindi nabubuo nang overnight. Katulad ng
pagpapalayas ng mamamayan sa US military bases noong 1991, kailangan ng tuluy-tuloy na
nagkakaisang pagkilos ng mamamayan, matatag na political will, at mapangahas na
pagbangga sa kasalukuyang agos ng neokolonyalismo at dominasyon ng US.
Ginoong Speaker, ang aral na itinuturo ng 1991 US military bases rejection ay buhay na
buhay sa kasalukuyan sa ating patuloy na asersyon para sa pambansang kasarinlan at
soberenya.
Hayaan ninyong ulitin ko ang mga sinabi ng magiting na Heneral sa pelikulang Heneral
Luna:
“Isang malaking karangalan ang ipaglaban ang ating Inang Bayan, huwag tayong
magdadalawang isip. Adelante, compatriotas. Ang magtagumpay o mamatay.”#

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*