RESUME THE PEACE TALKS! NO TO ALL-OUT WAR!

RESUME THE PEACE TALKS!

NO TO ALL-OUT WAR!

Rep. Carlos Isagani T. Zarate

BAYAN MUNA Party-list

 

PRIVILEGE SPEECH

February 8, 2017

 

Ginoong Speaker:

 

Ako ay tumitindig ngayon para sa kapayapaan. At, para sa kagalingan ng sambayanang Pilipino at mga henerasyon sa hinaharap.

 

Hinihimok, hinahamon ko kayo  mga kapwa ko mambabatas na samahan ako sa pagtindig para sa kapayapaang pangmatagalan na nakabatay sa hustisyang panlipunan.

 

Mula pa noong Sabado, sunod-sunod na dagok sa inaasam nating kapayapaan ang naganap. Nagulantang  ang marami ng ipahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kinakansela na niya ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at sa National Democratic Front of the Philippines. Kasabay nito ay ang pag-utos na dakpin muli ang mga pinalayang consultants ng NDFP na dating mga bilanggong pulitikal.  At kagabi,  lamang sumambulat ang masamang balitang winakasan na ng gobyerno ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o (JASIG), na nagbibigay ng proteksyon sa mga negosyador, consultants at staff ng magkabilang panels sa usapang pangkapayaan laban sa surveillance, harassments,  pagdakip at prosecution habang nagpapatuloy pa ang usaping pangkapayapaan.

 

Parang pinatayan ng ilaw ang kamakailan lamang ay maningning at makasaysayang usapang pangkapayapaan.

 

Habang humaharap sa malalaking dagok ang usapang pangkapayapaan ay hindi nagpahuli ang  militaristang Armed Forces of the Philippines sa pagsunggab sa pagkakataong makapagsagawa ng walang-pagkukubling gerang-atake laban sa  CPP-NPA-NDF.  Ilang araw bago pa man kanselahin ang usapang pangkapayapaan, nagpauna na  kaagad si AFP chief Eduardo Año na: “We will hit them hard!” at hindi rin nagpatumpik-tumpik na magdeklara ng “all-out war” .

 

Ang resulta: Dinakip sa Davao City ang NDFP consultant na Ariel Arbitrario, wala pa mang paglusaw sa Jasig. Dinakip rin ang isang NGO-worker na si Rogina Navarro Quilop, Administrative Officer of Center for People’s Resources and Sevices (CPRS), sa Bacolod.

 

Pinatay sa harap ng mga kabataang-estudyante si Emelito “Tatay Intik” Rotimas, isang lider-pesante, sa Bukidnon. Walang awa ring pinagbabaril ang isa na namang lumad-lider sa Bukidnon, si Renato Anglao.

 

Ito na ba, Ginoong Speaker, ang ibig sabihin ng all-out war ng AFP? Ang hindi pagtalima sa mga kasunduang nilagdaan ng pamahalaan at patayin o dakipin maging ang mga inosenteng sibilyan, katulad noong mga nakaraang mga administrasyon?

 

Ito ay kabaligtaran ng inaasahan nating mangyari matapos ang matagumpay na Third Round  ng peace negotiations noon lamang nakalipas na dalawang linggo sa Rome, Italy. Itinuring na makasaysayan, unprecedented, ang inabot ng peace talks sa loob lamang ng anim na buwan.

 

Nito lamang huling round ng peace talks, ilan sa puntong  napagkasunduan ay ang mga usapin sa libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, free irrigation, health and education,  pagpapalakas sa Joint Monitoring Committee (JMC), na isang mekanismo upang mapabuti ang pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law o CARHIHL, at higit sa lahat nagkasundo ang dalawang panig na magsagawa ng mga pamamaraan upang mapabilis pa ang pagbalangkas ng  CASER–ang kasunduang buod ng mga repormang pang ekonomiko at panlipunan na sasagot sa ugat ng kahirapan, pagka-atrasado  ng ekonomya at kawalan ng hustisyang panlipunan na nasa kaibuturan ng armadong labanan.

 

Ginoong Speaker, natapos ang 3rd Round ng peace talks na umaasang may mga malalaki pang hakbang ang mararating sa mga susunod pang pagkikita ng dalawang panig sa darating na April 2-6 sa Oslo, Norway.

 

Ngunit, gigilitan ang pag-asang ito sa terminasyon ng peace talks. Hindi   natin   ito   dapat   hayaang

mangyari.

 

Ang nakataya sa usapang pangkapayapaan ay ang resolusyon ng kalahating-siglong gerang sibil. Ang pagkansela nito ay ang pagkansela ng repormang agraryo at pag-unlad ng kanayunan.

 

Ang pagwawakas ng usapang pangkapayapaan ay ang pagwawakas sa pambansang industriyalisasyon at pag-unlad ng ekonomiya, at nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa.

 

Ang pagtatapos ng usapang pangkapayapaan ay ang pagtatapos ng proteksyon ng kalikasan at rehabilitasyon ng mga napinsala ng walang habas na pagmimina at pagtotroso.

 

Ang tinapos sa pagtuldok sa usapang pangkapayapaan ay ang posibilidad ng libre, makabayan, at maka-mamamayang edukasyon, sining, at literatura.

 

Ang inihinto na usapang pangkapayapaan ay paghihinto ng tunay na pagkilala sa karapatang ng mga pambansang minorya–ang mga katutubong mamamayan, Lumad at Moro — sa sariling pagpapasya at sa lupang ninuno.

 

Ginoong Speaker, ilan lamang ito sa napakaraming isyung nilalayong tugunan ng usapang pangkapayapaan, na siya ring ugat ng armadong tunggalian sa ating bayan.

 

Hindi ceasefire at pagbaba ng armas ang layunin ng peace talks.  Ang dakilang hamon nito  ay  ang lutasin ang malalim at nakaugat nang problema ng sambayanang Pilipino na lumulugmok sa karamihan ng ating mga kababayan.

 

Ito, Ginoong Speaker at kapwa ko mga  mambabatas, ang nais nating makamit sa usapang pangkapayapaan: hindi ang kapayapaang tumutukoy lamang sa  kawalan ng gera, kundi ang kapayapaang nakabatay sa panlipunang hustisya.

 

Mariing kinukundena ng Bayan Muna ang tahasang pagdeklara ng “All Out War”  ng  militar.  Ang deklarasyong All-Out War ay tinuran ng AFP sa kabila ng panawagan ng mamamayan para ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan, at sa kabila ng posibilidad ng panunumbalik pa ng negosasyon.

 

Matindi ang aming pagkabahala sa makagerang posisyon ito ng AFP, sapagkat, sa lahat ng All-Out-War na idineklara ng gobyerno ng mga nakalipas ng mga administrasyon  , hindi ito nagresulta sa pagkawala at pagkatalo ng mga rebelde o rebolusyonaryong grupo, o, pagkahinto ng rebelyon sa ating bansa.  Bagkos, ang “all out war” na ito ay nagresulta sa tahasan at malawakang paglabag sa karapatang pantao ng ating mga mamamayan.

 

Mula sa Martial Law ng Diktaturyang Marcos, sa “unsheathe the sword of war” ni Cory Aquino, sa  Oplan Lambat-Bitag  I, II, III, IV ni Ramos, sa Oplan Makabayan ni Estrada, sa Oplan Bantay Laya I at II ni Arroyo, at sa Oplan Bayanihan ni Noynoy Aquino, itinuon ang buong pwersang militar at pwersa ng pamahalaan sa pagpuksa sa rebelyon na pinangungunahan  ng CPP-NPA.  Subalit,  lahat ng ito, sa kabila ng bilyon-bilyong binuhos na pondo ng bayan at suportang armas ng Estados Unidos, ay naging bigo.

 

Sa halip na kapayapaan, ang mga “All-Out War” at national security programs na ito ay nangahulugan ng extrajudicial killings, sapilitang pagkawala, pagbakwit, at marami pang malalang paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan.  Hindi rin nito pinatid and pagpapatuloy ng armadong tunggalian.

 

Hindi kapayapaan ang hatid ng All-Out War, ito ay atake sa mamamayan.

 

Ginoong Speaker, nais nating wakasan na ang digmaang halos kalahating-siglo nang umiiral sa ating bayan. Nais natin pawiin ang kahirapan, ang kawalan hustisya, ang hindi pagkakapantay-pantay. Nais natin ng kapayapaang nakabase sa hustisya at pangmatagalan.

 

Tumitindig ako ngayon, Ginoong Speaker, para sa kapayapaan. At hinihimok ko ang lahat ng kapwa ko mambabatas, mga makabayang mamamayan, at ang mga nagmamahal sa kapayapaan at hustisya, na tumindig, at ipanawagang ituloy ang peace talks sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines at lutasin ang ugat ng armadong tunggalian.

 

Give peace a chance! Resume the peace negotiations between the GRP-NDF!    NO TO ALL-OUT WAR!!

 

Maraming Salamat.

 

 

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*