Itigil ang All-Out War sa Mamamayan!

Itigil ang All-Out War sa Mamamayan!

Privilege Speech

BAYAN MUNA Rep. Carlos Isagani T. Zarate

February 20, 2017

 

 

Ginoong Speaker:

 

Ako ay tumitindig at nagtatalumpati ngayong araw sa gitna ng ligalig sa hanay ng mga aktibista, manggagawang pangkarapatan, mga katutubo, at iba pang mamamayan na ngayo’y nasa tudla ng panunupil ng mga pwersa ng Estado.

 

Tila go-signal para sa mga sabik-sa-gerang AFP na kating-kati ang mga palad sa paghahasik ng karahasan sa mamamayan ang pagkansela ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines.

 

Ang patunay: mula lamang nitong ikatlo ng Pebrero, 2017, araw na nagpahayag si Pangulong Duterte na ikinakansela na nya ang usapang pangkapayapaan, umabot na sa labing-siyam (19) ang iligal na inaresto.

 

Kasama rito ang mga kababaihang development workers na sina Rogina Quilop, administrative officer ng the Center for People’s Resources and Services (CPRS) sa Bacolod, at si Sarah Abellon-Alikes, isa sa mga nagtatag ng Cordillera People’s Alliance at ngayon ay Board of Directors ng Kaduami, isang development institusyon sa Cordillera.

 

Piniringan naman bago idetine sa Camp Crame si Ferdinand Castillo, campaign officer ng Bagong Alyansang Makabayan-National Capital Region o Bayan-NCR.

 

Kasama rin sa bilang na ito ang consultant ng National Democratic Front na si Ariel Arbitrario na dinakip ilang oras lamang matapos magdeklara ng all-out-war laban sa CPP-NPA-NDFP si Defense chief Delfin Lorezana.

 

Higit na nakakabahala, Ginoong Speaker, ang pag-igting sa pampulitikang pamamaslang.

 

Sa loob lamang ng tatlong linggo ng Pebrero, siyam (9) na manggagawa, magsasaka, at katutubo ang pinatay.

 

Ang isa sa mga pinaslang ay Si Glenn Ramos, 39 years old, isang construction worker, at dating coordinator at myembro ng Bayan Muna sa Davao City. Pinasok ng mga myembro umano ng CIDG ang kanilang tahanan at walang-awa syang pinagbabaril ng apat na beses sa harap ng kanyang kapatid. Tatlong bala sa dibdib, at dahil siya ay buhay pa, isang tama pa sa tiyan.

 

Mariing kinukundena ng aming partido ang pagpatay kay Glenn Ramos at kami ay nanawagan ng kagyat na katarungan sa kanyang pagkakapaslang.

 

 

Dalawang manggagawa pa ang pinaslang ngayong buwan, Ginoong Speaker. Dalawang small-scale miners na sina Pepito Tiambong at Jerson Bito ay namatay ng pagbabarilin ng mga myembro ng 73rd Infantry Battalion ang isang mining tunnel sa Santiago, Agusan del Sur sa paniniwalang may mga myembro ng New People’s Army sa loob. Apat pang minero ang nasugatan sa insidente.

 

Karahasan din ang inaabot ng ating mga magbubukid, Ginoong Speaker.

 

Kagabi lamang, Pebrero 19, ay walang-awang pinaslang si Willerme Agorde, isang lider magsasaka ng Mailuminado Farmer’s Association Inc, na matagal nang nakikipaglaban para sa kanilang lupang sakahan sa Roxas, North Cotabato. Ayon sa ulat mismo ng kapulisan, nakaupo lamang si Agorde sa harap ng kanyang tindahan nang ito ay lapitan ng dalawang tao at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola. Sinaksak pa siya sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

 

Sa Roxas, Capiz naman, nakapiket ang mga magsasaka sa labas ng Tan Estate sa paggigiit ng mga magsasaka ang karapatan sa lupa lalo na nang nagbigay ang Department of Agrarian Reform ng Certificates of Land Ownership Agreement o CLOA sa kanila. Subalit, noong February 11, ay pinaulanan ng bala ang kampuhan ng mga magsasaka ng mga armadong guwardya ng Tan Estate. Namatay sa insidente si Orlando Eslana, at nasugatan ang lima pa.

 

Patuloy din ang Lumad Killings, Ginoong Speaker.

 

Apat pang katutubong lumad ang pinatay mula lamang noong ikatlo ng Pebrero. Parang hayop na pinagbabaril sa magkakahiwalay na insidente ang mga lumad na sina Edweno Catog, Lorendo Pocuan, Renato Anglao, at Emilito Rotimas, sa kanilang mga tahanan at komunidad ng grupong paramilitar at mga myembro umano ng AFP.

 

Ganito po, Ginoong Speaker, ang mukha ng karahasan ngayon sa kanayunan.

 

Dapat lamang na mariing kundenahin nating mga mambabatas at mamamayan ang pasistang atake na ito sa ating mga kalumaran at mamamayan.

 

Ginoong Speaker, ang idineklarang all-out war ng Department of National Defense ay malinaw na all-out war sa mamamayan. Tulad ng Martial Law at ang samu’t saring all-out war pa ng mga nakaraang administrasyon, mahuhulog ito hindi sa pagpuksa sa mga rebelde, kundi sa pagpatay ng mga sibiliyan, paglabag ng mga karapatan ng mamamayan, at pampulitikang panunupil.

 

Muli tayong pinaalalahanan ng katotohanang ito ngayon, Ginoong Speaker.

 

Pinatunayan na ng mahabang kasaysayan na ang pagresolba sa rebelyon ay hindi bala at dahas. Sapagkat, sa kabila ng pera, dugo, at libong armas, imbis na malupig, ay nagpatuloy, lumakas, at naging mas malaganap pa ang kalahating-siglong rebolusyon sa kanayunan.

 

Ang marahas na Estado, kasama ang mga malalim na inhustisyang panlipunan, ang numero unong rekruter ng mga gerilyang mandirigma.

 

Mas malaki ang tyansa ng administrasyong Duterte na maresolba ang ugat ng armadong paglaban kapag bumalik ang GRP sa negotiating table at pag-usapan ang socio-economic reforms na siyang buod ng digmaang sibil. Nananatiling bukas ang NDFP sa pakikipag-usap, at kamakailan lamang ay nagpahayag ang CPP-NPA-NDF na handa silang makipagkasundo sa isang bilateral ceasefire agreement, kalakip ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal at gayon rin ang pagpapalaya sa mga prisoners of war na nasa kanilang pangangalaga.

 

Hinihimok natin ang Gobyernong Duterte ay tutumbasan ang pahayag na ito, at ipanunumbalik ang usapang pangkapayapaan para sa kagalingan ng sambayanan at para sa matagalan at tunay na kapayapaan. Dapat nitong rendahan ang walang habas na karahasan ng AFP at iba pang pwersa ng Estado na pumapatay, nagkukulong, at nandarahas sa mamamayan.

 

Katarungan para kay Glenn Ramos!

Katarungan para kay Emilito Rotimas!

Katarungan para kay Renato Anglao!

Katarungan para kay Matanem Lorendo Pocuan!

Katarungan para kay Orlando Eslana!

Katarungan para kay Jason Bito!

Katarungan para kay Pepito Tiambong!

Katarungan para kay Edweno Catog!

Katarungan para kay Willerme Agorde!

 

 

Ituloy ang peace talks!

Itigil ang all-out war laban sa mamamayan!

 

 

 

 

 

 

 

 

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*